The Blog ServicesLatest Tips And TricksThe Blog Services

Biyernes, Oktubre 25, 2013

Si Ibarra? Namatay?

Mahal kong talaarawan,

         Ngayong araw ay sinagutan namin ang gawaing hindi natapos, ang paghahambing ng mga tauhan ng Banaag at Sikat at Noli Me Tangere na sina Felipe at Delfin, at Crisostomo Ibarra at Elias. Habang sinasagutan namin ito ay umintrada ang pagtatalo kung si Ibarra ba o si Elias ang namtay. May nagsasabing si Ibarra ang namatay at meron namang si Elias. Natawa ko sa aking mga kamag-aral na ipinaglalabang si Ibarra talaga ang namatay. Napaghahalataang hindi binasa ang buod ng Noli Me Tangere na ipinatakda sa amin. Si Elias talaga ang tunay na namatay sa kwento. Ipinain niya ang kanyang sarili sa mga gwardiya sibil. Tumalon siya sa bangka at inakalang siya si Ibarra at pinagbabaril ito. Sinabi sa akda na pumula ang tubig na isang pahiwatig na tinamaan siya ng bala. Nang makarating siya sa maalamat ng gubat ng Ibarra ay natagpuan niya roon si Basilio at ang kanyang patay na ina at doon niya inutusan si Basilio na mag-aral. Pagkatapos noon ay namatay na siya.

Huwebes, Oktubre 24, 2013

Ahahahahahahahahaha xD

Mahal kong talaarawan,

        Nagsimula ang aming klase sa pagbabalik aral. Matapos noon ay tinanong ng aking guro kung sino si Crisostomo Ibarra at Elias at kung anong papel nila sa Noli Me Tangere. Sunod na itinanong ng aming guro kung ano nga ba ang paghahambing? Masama ba ito o hindo? Sinagot ko naman na ito ay pagkukumpara lamang ng katangian ng dalawang bagay na walang intensiyon na ibaba ang isa at paboran ang isa. Binigyan niya rin kami ng gawain upang paghambingin sina Crisostomo Ibarra, Elias, Felipe, at Delfin na mga tauhan ng Noli Me Tangere at Banaag at Sikat dahil sinasabing may pagkakapareho raw ang dalawang akda. Hindi na namin ito natapos dahil kunulang na sa oras kaya ito ay ipagpapatuloy na lang sa aming tahanan. Lubos akong sumaya sa araw na ito dahil sa mga katatawanang ibinigay sa amin ng aming guro at mga kamag-aral na para bang hindi kumain ang bawat isa.

Miyerkules, Oktubre 23, 2013

Apat at Kalahati :)

Mahal kong talaarawan,

        Ngayong araw ay nagkaroon ulit ng paguulat. Iniulat ng aming mga kagrupo ang mga paninindigan at paniniwala nina Felipe at delfin at nagbigay din kami ng reaksiyon patungkol sa dalawang tauhan ng Banaag at Sikat. Maganda ang pagkakaulat ng aking mga kagrupo at maganda rin ang aming mga sagot ngunit naging magulo ang aming biswal kaya siguro kinulang ng kalahati ang palakpak na ibinigay sa amin ng aming guro, 4 at 1/2. Pagkatapos noon ay tinanong kami ng aming guro kung sino ang mas gusto namin sa dalawang tauhan at pinili ko naman si Delfin dahil sa kanyang pagnanais ng mapayapang paraan sa pagbabago ng lipunan. Binigyan kami ng aming guro ng takdang aralin na kilalanin si Elias at Crisostomo Ibarra, mga tauhan ng Noli Me Tangere.

Martes, Oktubre 22, 2013

Ulat ulat din ..

Mahal kong talaarawan,

        Sa araw na ito ay iniulat ng bawat pangkat ang mga takdang aralin na nakaatas sa bawat isa. Nagkaroon ng pagpupuna tungkol sa paraan ng paguulat at nilalaman ng bawat ulat. Itinama rin ng aming guro ang gawa ng bawat isa. Pagkatpos noon ay tinalakay namin ang teoryang nakapaloob sa akdang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, ang teoryang eksistensiyalismo, at binigyan nanaman kami ng pangkatang gawain ngunit natapos na ang oras ng Filipino kaya ipagpapatuloy na lang ito bukas.

Lunes, Oktubre 21, 2013

Ang Bilis Naman ...

Mahal kong talaarawan,

        Sa simula ng klase ay nagkaroon kaagad kami ng pagsusulit patungkol sa akdang Luha. Naging mahirap ang aking pagsasagot dahil may kabilisan ang pagbasa ng aking guro. Pagkatapos naman noon ay inilahad ng Pangkat 1 ang mga pangyayari sa bago naming aralin, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos. Nagkaroon din kami ng pangkatan ngunit natapos na ang oras ng Filipino kayat ginawa na lamang itong takdang aralin ng mga pangkat.

Biyernes, Oktubre 18, 2013

Luha ulit ;P

Mahal kong talaarawan,

        Ngayong araw ay pinag-aralan na naman namin ang akdang Luha ni Rufino Alejandro. Aming pinag-aralan ang mga bisang pangkaisipan at bisang pandamdamin na nakapaloob sa akda. Nagkaroon din kami ng gawain na tukuyin kung ang mga ibinigay na pahayag ay bisang pangkaisipan o bisang pandamdamin. Pagkatapos ay iniwan kami ng aming guro ng takdang aralin na sumulat ng lihan ng pagamin sa mga kasalanan o kamaliang nagawa namin sa aming mga magulang.

Huwebes, Oktubre 17, 2013

Walang Klase?

                Sa araw na ito ay hindi dumating ang aming guro na si Ma’am Mixto sa oras ng Filipino. Tinanong ko ang aking mga kamag-aral kung bakit wala siya at sinabi nila na sumama siya sa mga manlalahok ng DSPC.

Miyerkules, Oktubre 16, 2013

Sakit sa tiyan xD

Mahal kong talaarawan,


                Ngayong araw na ito ay tinalakay namin ang akdang Luha ni Rufino Alejandro sa pamamagitan ng pagpapakahulugan ng mga linya sa loob ng akda. Naging masaya ang aming talakayan dahil sa nakakatuwang pagpapakahulugan ng aking mga kamag-aral. Pagkatapos noon ay ipinaskil ng aming guro ang listahan ng mga akdang aming tatalakayin sa ikatlong markahan.

Martes, Oktubre 15, 2013

Lunes, Oktubre 14, 2013

Unang Talaarawan :D


Mahal kong talaarawan,

                Ang araw na ito ay ang unang araw ng aming ikatlong baitang bilang ikatlong taong mag-aaral ng mataas na paaralan ng Mambugan. Kami ay napagalitan ng aming guro na si Gng. Mixto dahil nasira ang aming proyekto sa asignaturang Filipino sanhi ng pagkabasa sa ulan. Dahil doon ay inatasan niya kami na magkaroon ng blog na kung saan aming ilalagay ang aming talaarawan bilang proyekto kapalit ng una. Pagkatapos noon ay tinalakay na namin ang akda ni Rufino Alejandro na pinamagatang “Luha”.

Buod ng Noli Me Tangere ni Jose P. Rizal



Si Crisostomo Ibarra ay isang binatang Pilipino na pinag-aral ng kanyang ama sa Europa. Pagkatapos ng pitong taong pamamalagi roon ay nagbalik ito sa Pilipinas. Dahil sa kanyang pagdating ay naghandog si Kapitan Tiyago ng isang salo-salo kung saan ito ay dinaluhan nina Padre Damaso, Padre Sibyla, Tinyente Guevarra, Donya Victorina at ilang matataas na tao, sa lipunan Kastila. Sa hapunang iyon ay hiniya ni Padre Damaso na siyang dating kura ng San Diego, ang binata ngunit ito'y hindi na lamang niya pinansin at magalang na nagpaalam at nagdahilang may mahalagang lalakarin.
Si Ibarra ay kasintahan ni Maria Clara. Siya kilala bilang anak-anakan ni Kapitan Tiyago, isang mayamang taga-Binundok. Ang binata ay dumalaw sa dalaga kinabukasan at sa kanilang pag-uulayaw ay di nakaligtaang gunitain ang kanilang pagmamahalan simula pa sa kanilang pagkabata. Di nakaligtaang basahing muli ni Maria Clara ang mga liham ng binata sa kanya bago pa man ito mag-aral sa Europa. Bago tumungo si Ibarra sa San Diego ay ipinagtapat sa kanya ni Tinyente Guevarra ng Guardia Sibil ang tungkol sa pagkamatay nga kanyang amang si Don Rafael, ang mayamang asendero sa bayang yaon.
Ayon sa Tinyente, si Don Rafael ay pinaratangan ni Padre Damaso, na Erehe at Pilibustero, gawa ng di nito pagsisimba at pangungumpisal. Nadagdagan pa ng isang pangyayari ang paratang na ito. Minsan ay may isang maniningil ng buwis na nakaaway ng isang batang mag-aaral, nakita ito ni Don Rafael at tinulungan ang bata, nagalit ang kubrador at sila ang nagpanlaban, sa kasamaang palad ay tumama ang ulo ng kastila sa isang bato na kanyang ikinamatay. Ibinintang ang pagkamatay na ito ng kubrador kay Don Rafael, pinag-usig siya, nagsulputan ang kanyang mga lihim na kaaway at nagharap ng iba-ibang sakdal. Siya ay nabilanggo at ng malapit nang malutas ang usapin ay nagkasakit ang matanda at namatay sa bilangguan. Di pa rin nasiyahan si Padre Damaso sa pangyayaring iyon. Inutusan niya ng tagapaglibing na hukayin ang bangkay ni Don Rafael sa kinalilibingan nitong sementeryo para sa katoliko at ibaon sa libingan ng mga Intsik at dahil umuulan noon at sa kabigatan ng bangkay ay ipinasya ng tagapaglibing na itapon na lamang ito sa lawa.
Hindi binalak ni Ibarra ang maghiganti sa ginawang kabuktutang ito ni Padre Damaso at sa halip ay ipinagpatuloy ang balak ng kanyang ama na magpatayo ng paaralan.
Sa pagdiriwang ng paglalagay ng unang bato ng paaralan ay kamuntik nang mapatay si Ibarra kung hindi siya nailigtas ni Elias. Sa paglagpak ng bato habang ito'y inihuhugos ay hindi si Ibarra ang nasawi kundi ang taong binayaran ng lihim na kaaway ng binata.
Sa pananghaliang inihandog ni Ibarra pagkatapos ng pagbabasbas ay muling pinasaringan ni Padre Damaso ang binata, hindi na lamang niya sana ito papansinin subalit nang hamakin ang alaala ng kanyang ama ay hindi na siya nakapagpigil at tinangkang saksakin ang pari, salamat na lamang at napigilan ito ni Maria Clara.
Dahil sa pangyayaring ito ay itiniwalag o ineskomonyon si Ibarra ng Arsobispo ng simbahang Katoliko Romano. Sinamantala ito ni Padre Damaso upang utusan si Kapitan Tiyago na sirain ang kasunduan sa pagpapakasal nina Ibarra at Maria Clara. Nais ng pari na ang mapangasawa ng dalaga ay si Linares na isang binatang kastila na bagong dating sa Pilipinas.
Dahil sa pagkasindak sa gumuhong bato noong araw ng pagdiriwang si Maria Clara'y nagkasakit at naglubha. Dahil sa ipinadalang gamot ni Ibarra na siya namang ipinainom ni Sinang gumaling agad ang dalaga.
Sa tulong ng Kapitan Heneral ay napawalang-bisa ang pagkakaeskomulgado ni Ibarra at ipinasya ng arsobispo na muli siyang tanggapin sa simbahang Katoliko. Ngunit, nagkataon noong sinalakay ng mga taong pinag-uusig ang kwartel ng sibil at ang napagbintangang may kagagawan ay si Ibarra kaya siya ay dinakip at ibinilanggo. Wala talagang kinalaman dito ang binata sapagkat nang kausapin siya ni Elias upang pamunuan ang mga pinag-uusig ay tahasan siyang tumanggi at sinabing kailanman ay hindi siya maaring mamuno sa mga taong kumakatawan sa bayan.
Napawalang-bisa ang bintang kay Ibarra sapagkat sa paglilitis na ginawa ay walang sino mang makapagsabi na siya'y kasabwat sa kaguluhang naganap. Subalit ang sulat niya kay Maria Clara na napasakamay ng hukuman ang siyang ginawang sangkapan upang siya'y mapahamak.
Nagkaroon ng handaan sa bahay nina Kapitan Tiyago upang ipahayag ang kasunduan sa pagpapakasal ni Maria Clara kay Linares at samantalang nagaganap ito ay nakatakas ni Ibarra sa bilangguan sa tulong ni Elias.
Bago tuluyang tumakas ay nagkaroong ng pagkakataon si Ibarrang magkausap sila ng lihim ni Maria Clara,. Anya'y ipinagkaloob na niya rito ang kalayaan at sana'y lumigaya siya at matahimik na ang kalooban. Ipinaliwanag ni Maria Clara na ang liham na kanyang iniingatan at siyang ginamit sa hukuman ay nakuha sa kanya sa pamamagitan ng pagbabanta t pananakot. Ippinalit sa mga liham na ito ang dalawang liham na isinulat ng kanyang ina bago siya ipanganak na nakuha ni Padre Salvi sa kumbento at dito nasasaad na ang tunay niyang ama ay si Padre Damaso.
Sinabi niya kay Ibarra na kaya siya pakakasal kay Linares ay upang ipagtanggol ang karangalan ng kanyang ina subalit ang pag-iibig niya saa binata ay di magbabago kailanman.
Samantala, tumakas na si Ibarra sa tulong ni Elias. Sumakay sila ng bangka, pinahiga si Ibarra at tinabunan ng damo at pagkatapos ay tinunton ang ilog Pasig hanggang makarating sa Lawa ng Bay. Ngunit naabutan sila ng mga tumutugis sa kanila. Inisip ni Elias na iligaw ang mga ito kaya naisipan niyang lumundag sa tubig kung saan inakalang si Ibarra ang tumalon kaya hinabol at pinaputukan siya ng mga sibil hanggang mahawi ang bakas ng pagkakalangoy at magkulay-dugo ang tubig.
Nakarating sa kaalaman ni Maria Clara na si Ibarra'y napatay ng mga Sibil sa kanyang pagtakas. Ang dalaga'y nalungkot at nawalan ng pag-asa kaya't hiniling niya kay Padre Damaso na siya'y ipasok sa kumbento ng Santa Clara upang magmadre. Napilitang pumayag ang pare sapagkat tiyakang sinabi ng dalaga na siya'y magpapakamatay kapag hindi pinagmadre.
Noche Buena nang makarating si Elias sa maalamat na gubat ng mga Ibarra, sugatan at nanghihina na doon niya nakatagpo si Basilio at ina nitong wala nang buhay.
Bago siya nalagutan ng hininga ay sinabing, namatay siyang hindi nakikita ang pagbubukang-liwayway ng kanyang bayan at makakikita ay huwag sanang kalilimutan ang mga nangamatay dahil sa pagtatanggol sa bayan.

Pinagkunan : http://angelomirabel02.blogspot.com

Kinagisnang Balon ni Andres Cristobal Cruz

1. Sinasabing walang lampin sa purok ng Tibag na hindi nilabhan sa tubig na sinasalok sa malalim, malaki't matandang balon. 2. Sinasabing walang nagluto ng pagkain at naghugas ng kinanan sa Tibag na hindi gumamit ng tubig sa balong iyon. 3. Sinasabing walang naligo sa Tibag na hindi nagbuhos ng malinis at malamig na tubig na siyang biyaya ng matatandang balong tisa. 4. Anupa't masasabing walang isinilang at inilibing na taga-Tibag na hindi uminom o binindisyunan ng tubig na galing sa kanilang balon. 5. Kung iisipin, masasabi rin na ang buhay at kamatayan ng mga taga-Tibag ay nasa balong iyon. 6. Mahalaga nga ang gayon, ngunit ang bagay na ito'y hindi nila pinag-uukulang masyado ng pansin. Sa kanila, ang balon ay bahagi ng kanilang buhay at kapaligiran, bahagi na ng kanilang mga kinagisnang alamat at mga paniniwala't pamahiing imumulat nila sa kanilang mga anak, at imumulat naman na mga ito sa susunod nilang salinlahi. 7. Walang nakatitiyak kung kailan hinukay ang balong iyon. 8. "Noon pang panahon ng Kastila," anang matatanda. 9. "Hindi pa kayo tao, nandiyan na 'yan," giit naman ng iba. 10. At parang pagpapatunay, patitingnan ang mga tisang ginamit sa balon. Kauri raw at sintigas ng mga ginamit sa pader ng Intramuros o kaya'y sa mga pinakamatatandang simbahang katoliko sa Pilipinas. 11. Ipaglalaban naman ng iba na ang balon ay hinukay, o sa lalong wastong salita ay ipinahukay ng mga maykapangyarihan noong panahon ng mga Amerikano.Katunayan daw, maraming bayan sa Pilipinas, lalo na sa Luzon, ang may mga balong katulad ng nasa Tibag. Kaya naman daw matatagpuan ang mga ganitong balon sa labas ng mga matatandang bayan ay upang madaling masugpo ang kolerang ilang beses nang kumalat sa buong kapuluan at umutas ng libu-libong pagkukunan ng tubig ay nasa labas ng bayan, porlomenos, madali ang pagsugpo sa kakalat na makamandag na kolera. 12. May kalabuan man, kung sa bagay, ang ganoong pala-palagay, wala namang magagawa ang mausisa. Basta't iyon daw ang paniwalaan, tapos ang kuwento! 13. Ganoon din ang ibubulyaw ng mga matatandang pikon kung kokontrahin mo sila sa kanilang pananakot. Kung gabi raw na madilim, lalo na kung patay ang buwan, may malignong lumilitaw sa may balon. 14. Magtago ka raw at sumilip sa likod ng mga punong kakawate, kung minamalas ka, makikita mo na lamang at sukat ang isang pagkaganda-gandang babae sa may balon. May inaaninaw daw itong mukha ng kung sinong katipang nalunod o maaaring nilunod sa balon noong panahon pa ng mga Kastila. Minsan naman daw, mga kung anu-anong hayop ang nagsisilabasan sa may balon at nag-uungulan. 15. At ano bang mali-maligno! Naisipan daw ng ilang kabinataan ang magpahatinggabi sa likod ng mga punong kakawate. At ano ang natuklasan nila? Ang nananakot ang siyang natakot. At nang magkabistuhan na, humangos daw itong may kinakapkap na kung ano at hinabol ng mga nakatuklas. Hindi matapus-tapos ang sisihan nang makasal nang di oras ang dalawang "maligno" na walang iba kung di ang tanging biyudo't pinakamatandang dalaga sa Tibag. 16. Isa na iyon sa masasayang pangyayari sa balon ng Tibag. Sa may balon naglalaba't naliligo ang mga dalaga't kababaihan. Kung naroon na ang mga dalaga, panay naman daw ang hugas ng paa ng mga binata. Naroon na ang nakawan ng tingin, mga patalinghagang salitang sinusuklian ng saboy ng tubig o mga hindi natutuloy na pagbabantang magsumbong. Ang ingay ng mga batang nagsisipaligo, ng mga balding pumapalo sa gilid ng balon, mga pigil na hagikgik ng mga babae, harutan ng mga dalaga. 17. Marami ang makapagsasabi sa Tibag, ang buhay-buhay, tulad ng matandang balon, ay siya na nilang kinagisnan, kinamulatan pa rin ng kanilang mga anak at mamanahin pa rin ng mga anak naman nito. 18. Isa na sa mga makapagsasabi si Tandang Owenyong Aguwador. Siya lamang ang aguwador sa Tibag. Ang ibang sumasalok, may pingga at balde, ay para gamit lamang sa bahay. Gamit din sa bahay ang sinasalok ng mga dalagang nagsusunong ng banga ng inumin, balde o golgoreta. 19. Hanapbuhay ni Tandang Owenyong Aguwador ang pag-iigib ng tubig. Iniigiban niya ang ilang malalaking bahay sa Tibag at pinupuno din niya ang mga tapayan o dram ng mga talagang nagpapaigib sa mula't mula pa. Ito ang mga pamilyang kung nagpipista ay siyang pinakamaraming handa't bisita, mga nagiging hermano o punong-abala sa mga komite de festejos. Ito rin ang ipinag-iigib ng ninuno ni Tandang Owenyo. 20. Maglilimampung taong gulang na si Tandang Owenyo. Maiksi ang gupit ng kanyang kulay abong buhok. Pangkaraniwan ang taas, siya'y laging nakakamisetang mahaba ang manggas at kapit sa katawan. Matipuno at siksik daw ang katawan nito noong araw. 21. "Ba't naman di magkakaganoon e sa banat ang kanyang buto sa pagsalok n'on pa man," sabi ng iba. 22. "Di ba't 'yan 'kamo," dagdag ng ilan, "aguwador din?" 23. "Di ba't ang Ba Meroy ay aguwador din?" 24. "Aba, siyanga, ano?" 25. Ang pangalan ng ama ni Tandang Owenyo ay Ba Meroy. Namatay ito noong panahon ng Hapon. 26. "Pero 'ala pang giyera," pilit ng iba, "umiigib na ang Tandang Owenyo." 27. Minana na niya ang opisyong iyan." 28. "E, si Nana Pisyang Hilot? Di ba't sa balon sila…" 29. "A, oo! Doon niligawan ng Tandang Owenyo si Nana Pisyang. Ipagtanong mo." 30. "Labandera na noon si Nana Pisyang?" 31. "Labandera na. Ang ipinag-iigib ng Tandang Owenyo ang siyang ipinaglalaba naman ng Nana Pisyang. Kaya nga maganda ang kanilang istorya, e." 32. "Ang Da Felisang Hilot?" 33. "Aba, e labandera rin 'yon. Tinuruan naman niyang manghilot ang kanyang anak. '"Yan nga si Nana Pisyang." 34. "Tingnan mo nga naman ang buhay." 35. "Sa Amerika ba, merong ganyan?" 36. "Pilipinas naman 'to, e! Siyempre dito sa 'tin, pasalin-salin ang hanapbuhay." 37. "Mana-mana ang lahat." 38. "Si Ba Meroy aguwador, puwes, si Tandang Owenyong anak ay aguwador din." 39. "At si Nana Pisyang ng Da Felisa, labandera." 40. "Pero si Nana Pisyang humihilot din." 41. "Ow, ano ba naman 'yon? Di naman araw-araw e me nanganganak. Saka, bigyan mo na lang ng pangkape ang Nana Pisyang, tama na." 42. "Me pamamanahan na sila ng kanilang mga ikinabubuhay." 43. "Di nga ba't katu-katulong na ng Nana Pisyang sa paglalaba't paghahatid ng damit ang dalagita niyang si Enyang? Meron na siyang magsisiksgreyd." 44. "At si Narsing nila?" 45. A, si Narciso ba? Sayang. Tapos ng hayskul, hindi na nakapagpatuloy." 46. "Ow tama na 'yon. Tapos ka't hindi, pareho rin." 47. "Si Narsing ang me ulo. Laging me dalang libro e!" 48. "Sa library nga raw sa kabayanan nagbabasa't humihiram ng libro." 49. "Minsa'y nakita kong may kipkip na libro. Tinanong ko kung ano." 50. "E. ano raw?" 51. "Florante at Laura daw." 52. "Tingnan mo nga 'yan. Sayang na bata. May ulo pa naman." 53. "Balita ko'y ayaw mag-aguwador." 54. "Nahihiya siguro. Biruin mo nga namang nakatuntong na halos sa kolehiyo at sa paaaguwador mapupunta. Ba't nga naman iyong iba. Karabaw inglis alam e mga tente bonete na." 55. "Kayo, pala, oo! Para naman kayong bago nang bago sa Pilipinas. Pa'no me malalakas na kapit 'yon!" 56. "Di aguwador din ang bagsak ni Narsing!" 57. NAGHIHIMAGSIK si Narsing. Ayaw niyang pumasan ng pingga. Totoo nga na umiigib siya. Ngunit iyon ay para gamit lamang nila sa bahay. At gusto pa niyang bitbitin ang dalawang balde kaysa gumamit ng pingga. 58. Sabi ng mga matatandang babaing naglalaba sa may balon, kung magpingga lamang si Narsing mapagkakamalan daw itong si Tandang Owenyo noong bagong tao pa ito. Iyon din ang palagay ng mga nagkakahig ng sasabungin,ng mga naghuhuntahan sa harap ng tindahang sari-sari sa tapat ng lumang kapilya. 59. Kung naririnig ni Narsing ang gayong sabi-sabi lalo lamang sumisidhi ang kanyang paghihimagsik. At ito'y may kasamang malalim na hinanakit. 60. Nagsasampay ang kanyang ina nang siya'y magpaalam isang umaga. Ang apat na alambreng sampayan ay lundung-lundo sa bigat ng malalaking sinampay. Hindi na nakita ni Narsing na ang sampayan ay nawalan ng laman, na ang damuhan sa may gilid ng bakod na siit ay walang latag na kinula. Sa kabilang gilid ng bakuran hanggang sa duluhang papunta sa bukid ay gumagapang ang kamoteng putpot, na ang talbos ay naagad. May kapirasong balag na ginagapangan naman ng upo. 61. Binigyan si Narsing ng kanyang inang Nana Pisyang ng konting babaunin. Ito'y naipon sa paglalaba't sa pinagbilhan ng ilang upo at talagang inilalaan para sa susunod na pasukan ng mga bata. 62. Nakituloy si Narsing sa isang tiyuhin sa Tondo, sa Velasquez. Sa area, naglalakad siya't naghahanap ng mapapasukan… Kahit na ano, huwag lamang pag-aaguwador. Nakaranas siya ng gutom, ngunit nagtiis siya. Kung anu-anong kumpanya't pagawaan ang kanyang sinubukan. Pulos naman NO VACANCY at WALANG BAKANTE, ang nakasabit sa mga tarangkahan at pintuan ng mga pinupuntahan niya. 63. Hindi lamang pala siya ang nabibigo. May nakakasabay pa siyang madalas na mga tapos ng edukasyon at komers. Ang mga ito'y me dala pang sulat na galing sa ganoo't ganitong senador o kongresman. Natatawang ibig maluha ni Narsing. Binabale-wala na pala ng mga ito kahit na pirma ng mga pulitiko. Maski siguro si Haring Pilato ang nakapirma, talagang walang maibibigay na trabaho ang balanang puntahan ni Narsing. 64. Napadaan si Narsing sa isang malaking gulayan ng Intsik. Subukin na nga ''to, sabi niya sa sarili habang pumapasok siya sa isang ektarya yatang gulayan na binakuran ng mga alambreng matinik. Kinausap niya ang Intsik na nakita niyang nagpapasan ng dalawang lalagyan ng tubig na tabla. Taga-alis ng uod, magpala o magpiko sabi ni Narsing sa Intsik. 65. "Hene puwede," sagot ng Intsik, "hang lan akyen tlamaho. Nahat-nahat 'yan akyen lang tanim, dilig." 66. "O, paano, talagang wala?" sabi ni Narsing at napansin niyang tumigas ang kanyang boses. Para siyang galit. 67. "Ikaw gusto pala ngayon lang alaw, ha," sagot ng Intsik. Nangingiti-ngiti. "Akyen gusto lang tulong sa 'yo. 68. "O sige, ano?" 69. "Ikaw, kuha tubig, salok sa balon, dilig konti. Ikaw na gusto?" 70. Ibinigay ng Intsik ang kanyang pinipinggang pinakaregadera. 71. Kinabukasan ng hapon nagpaalam si Narsing sa kanyang tiyahing nasa Velasquez. Sumakay na siya ng trak pauwi sa kanilang bayan sa lalawigan, sa Tibag.Pangkaraniwan na sa Tibag ang nabibigo sa paghahanap ng trabahong bago at hindi minana. Habang daan ay inisip-isip niya kung paano niya maiiwasan ang kanyang mamanahing hanapbuhay na halos pantawid-gutom lamang, ang isang kalagayang pagtitiis mula sa umpisa hanggang sa katapusan, walang kamuwangan, hirap, at laging nakasalag, kung hindi sa kabutihang loob ng ilan, sa pagsasamantala naman ng marami. 72. Mabuti pa, sabi ni Narsing sa sarili, hindi na 'ko nakapag-aral. Parang nabuksan ang kanyang isip at guniguni sa sanlibu't sanlaksang kababalaghan ng kalikasan at sa maraming paghahamon ng buhay na di niya maubos-maisip kung paano mapananagumpayan. 73. Magtatakip-silim na nang dumating siya sa Tibag. Dinumog siya ng mga paslit na nagtatanong kung mayroon siyang dalang pasalubong. Wala, wala siyang dala. 74. Ang sumunod sa kanyang si Enyang ay tahimik na nag-ahin ng hapunan sa lumang dulang. Habang sila'y kumakain, naramdaman ni Narsing na naghihintay ang kanyang ama't ina ng kanya pang isasalaysay tungkol sa kanyang paghahanap ng trabaho sa Maynila. Ano naman ang maibabalita niyang hindi pa nila nalalaman tungkol sa kahirapan ng paghahanap ng trabaho? 75. Inalok siya nang inalok at pinakakaing mabuti ng kanyang ina. Animo'y nagkandagutom siya sa Maynila. Pasulyap-sulyap siya sa kanyang amang nasa kabisera ng dulang. Nagpupuyos ang kanyang kalooban sa kanyang nasasaksihan. Nag-aagawan ang mga paslit sa ulam. Tipid na tipid ang subo ng kanyang ama't ina. Marami pa silang inom ng tubig kaysa sa subo ng kanin. Ang ulam nila'y kamatis at bagoong na may talbos na naman ng kamote, isang mangkok na burong mustasa at ilang piniritong bangus. Maya't maya ay sinasaway ng kanyang ina ang mga batang parang aso't pusa sa pag-uunahan sa pagkain. Sa buong Tibag, sila lamang marahil ang hindi halos nagkaroon ng mumo sa dulang. Noong araw, hindi sila ganoon. Ngayon, kung magsabaw sila sa sinigang o minsan sang buwan nilagang karne, halos sambalde ang ibubuhos na tubig para dumami ang sabaw. Habang lumalaki't dumarami ang subo ng mga bata, dadalang naman nang dadalang at liliit ang subo ng kanyang ama't ina. Siya man ay napapagaya na sa kanila. 76. Ang ganoong tagpo ay kanyang pinaghihimagsikan. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsik kung nasasaksihan niya ang kanyang mga kapatid na palihim na waring nagsusukat ng mga damit na mahuhusay na ipinaglalaba't ipinamamalantsa ng kanilang ina. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsk na matapos na sa pagiigib ng kanyang ama at napapansin niyang dumarami ang kulubot sa ulo kung nakikita itong pasan-pasan ang pingga't dalawang balde na animo'y isang Kristo sa pagkakayuko na ang paghihirap ay wala nang katapusan. 77. Noong gabing iyon. nagkasagutan sila ng kanyang ama. Nakaupo si Narsing sa unang baytang sa itaas ng kanilang mababang hagdan. Nakatingin siya sa duluhan ng bakuran. Iniisip niyang harapin pansamantala ang pagtatanim ng gulay. Nalingunan na lamang niyang nakatayo ang kanyang ama sa may likuran niya. 78. "Gayon din lamang," mungkahi ng kanyang ama sa malumanay na boses, at ibig mong maghanapbuhay, subukin mong umigib." 79. May idurugtong pa sana ang kanyang ama, ngunit hindi na nakapigil si Narsing. Malakas at pasinghal ang kanyang sagot. 80. "Ano ba naman kayo! Aguwador na kayo, gusto n'yo pati ako maging aguwador!" 81. Napatigagal ang kanyang ama. Ang kanyang ina'y napatakbo at tanong nang tanong kung bakit at ano ang nangyari. 82. Minumura siya ng kanyang ama. "Bakit?" wika nitong pinaghaharian ng pagdaramdam at kumakatal ang tinig. "Ano ang masama sa pag-aaguwador? Diyan ko kayo binuhay!" 83. Nakatayo na sana si Narsing, ngunit sinundan siya ng kanyang ama't buong lakas na hinaltak at inundayan ng sampal. Parang natuklap ang mukha ni Narsing, Itinaas niya ang isa niyang kamay upang sanggahin ang isa pang sampal. Nakita niyang nagliliyab ang mga mata ng kanyang ama. 84. Sumigaw ang kanyang ina. may kasama itong iyak. Yakap siyang mahigpit ng kanyang ina. Huwag daw siyang lumapastangan. Pati ang mga bata'y umiiyak at humahagulgol na parang maliit na hayop. 85. Lumayo ang kanyang ama't iniunat ang katawan sa isang tabi ng dingding na pawid. Dinig na dinig pa rin ang kanyang sinasabi. 86. Nag-aral ka pa naman, sayang. Oy, kung me gusto kang gawin, sige. Di kita pinipigil. Darating din ang araw na mararanasan mo rin… mararanasan mo rin." 87. Kung anu-anong balita ang kumalat sa Tibag. Kung umiigib si Narsing ng tubig para sa kanilang bahay hindi siya pinapansn ni binabati tulad ng dati. Ganoon din ang kanyang ama. Waring nahihiyang magtanung-tanong ang mga tao, ngunit hindi nahihiyang sa kani-kanilang sarili'y magpalitan sila ng tsismis at mali-maling palagay. 88. ISANG linggo pagkatapos ng pagkakasagutan nilang mag-ama, ang Tandang Owenyong ay nadisgrasya sa balon. Nadupilas ito at mabuti na lamang daw at sa labas ng balon nahulog. Kung hindi raw, patay. Ang dibdib ng matanda ay pumalo sa mga nakatayong balde at ito'y napilayan. Nabalingat naman ang isang siko niya. Sabi ng marami ay nahilo ang matanda. Ang iba'y nawala sa isip niya ang ginagawa. 89. Nilagnat pa si Tandang Owenyo. Ipinatawag na ang pinakamahusay na manghihilot na tagaibayo. Nakikiigib ang mga iniigiban ni Tandang Owenyo sa iba. Kailan daw ba iigib uli ang matanda. Walang malay gawin ang ina ni Narsing. Ang kanilang dati nang malaking utang sa tindahan ni Da Utay ay lalong lumaki sa pagkakasakit ng matandang aguwador. 90. Isang hapong umiigib si Narsing ng gamit sa bahay ay may naglakas-loob na nagtanong kung magaling na ang kanyang ama. Bakit daw hindi pa siya ang sumalok. Sayang daw kung ang kinikita ng ama niya'y sa iba mapupunta. 91. Hindi nanlilibak o sumasaring ang pagkakasabi noon. Iyon, sa palagay na ni Narsing, ay patotoo sa paniwalang siya ang talagang magmamana sa gawaing iyon ng kanyang ama. 92. KINABUKASAN, hindi nangyari ang inaasahang mangyari ni Narsing. Hindi siya tinukso ni pinagtawanan at kinantiyawan. Nalapnos ang kanyang balikat at magdamag na nanakit ang kanyang mga buto sa pag-aakyat-panaog sa mga hagdang matatarik, sa pagsalin at pagbuhat ng tubig. Siya na ang umiigib. 93. Pabiling-biling si Narsing sa kanyang hinihigang sahig. Nakikita niya ang malalayong bituin. Narinig niya ang mga mumunting hayop at ang alit-it ng mga kawayang itulak-hilahin ng hangin. Sa malayo'y may asong kumakahol na parang nakakita ng aswang o ano. Hindi siya nakatulog. Marami siyang iniisip. Naalaala niya noong siya'y nasa hayskul. Bago siya maidlip, sa guniguni niya ay nakita niyaang kanyang sariling kamukha ng kanyang amang animo'y isang Kristong pasanpasan ang pingga't dalawang balding mabibigat. Naisipan din niyang taniman nang taniman ang bakuran nilang ngayo'y hindi na kanila't inuupahan na lamang. 94. Maaga pa'y bumaba na ng bahay si Narsing. At siya'y muling umigib. Mahapdi ang kanyang balikat. Humihingal siya't parang hindi na niya kayang ituwid ang kanyang mga tuhod. 95. Noong hapon, naghihintay si Narsing ng kanyang turno sa balon. Nagbibiruan ang mga dalaga't kabinataan sa paligid ng balon. May tumatawang nagsasabing binyagan ang kanilang bagong aguwador. 96. "Binyagan si Narsing!" sigaw ng mga nasa paligid ng balon, at may nangahas na magsaboy ng tubig.

Pinagkunan : http://tl.answers.com/Q/Ikalawang_Gantimpala-Kinagisnang_Balon_ni_Andres_Cristobal_Cruz