Ang buod ng kasaysayan ng Banaag at
Sikat ay lumiligid sa mga adhikain at paninindigan ng dalawang magkaibigang
sina Felipe at Delfin. Si Felipe ay anak ng isang mayamang presidente ng isang
bayan sa Silangan. Dahil sa kanyang pagkamuhi sa mga paraan ng pagpapayaman ng
kanyang ama at sa kalupitan nito sa mga maralitang kasama sa bukid at sa mga
utusan sa bahay ay tinalikdan niya ang kanilang kayamanan, pumasok na
manggagawa sa isang palimbagan, at nanligaw sa isang maralita ngunit marangal
na dalaga, si Tentay. Samantala, siya’y nakatira sa isang bahay ng amang-kumpil
na si Don Ramon sa Maynila. Ang mga paraan ni Don Ramon sa pagpapayaman, ang
kanyang mababang pagtingin sa mahihirap at ang pag-api niya sa mga pinamumunuan
ay nakapagpalubha sa pagkamuhi ni Felipe sa lahat ng mayayaman at nagpapatibay
sa kanyang pagiging anarkista.
niya ang araw na mawawala ang mga hari,
punumbayan at alagad ng batas, ang lahat ng tao’y magkakapantay-pantay at
magtatamasa ng lubos na kalayuan at patas na ginhawa sa buhay.
Nang pilitin ng ama na umuwi sa
kanilang bayan, siya’y sumunod. Subalit itinuro niya sa mga kasama sa bukid at
sa mga katulong sa bahay ang kanilang karapatan. Sa galit ng ama, siya’y
pinalayas at itinakwil bilang anak. Nagbalik siya sa dating pinapasukan sa
Maynila at hinikayat si Tentay na pumisan sa kanya kahit di kasal, sapagkat
tutol siya sa mga seremonyas at lubos na naniniwala sa malayang pag-ibig.
Si Delfin ay hindi anarkista kundi
sosyalista. Hindi niya hinangad na mawala ang pamahalaan ngunit katulad ni
Felipe ay tutol siya sa pagkakaipon ng kayamanan sa ilang taong nagpapasasa sa
ginhawa samantalang libu-libo ang nagugutom, nagtitiis at namamatay sa
karalitaan. Tutol din siya sa pagmamana ng mga anak sa kayamanan ng mga
magulang. Siya’y isang mahirap na ulilang pinalaki sa isang ale (tiya). Habang
nag-aaral ng abogasya ay naglilingkod siya bilang manunulat sa isang pahayagan.
Kaibigan siya at kapanalig ni Felipe, bagamat hindi kasing radikal nito.
Nais ni Felipe ang maagang pagtatamo ng
kanilang layunin, sukdang ito’y daanin sa marahas na paraan, samantalang ang
hangad ni Delfin ay dahan-dahang pag-akay sa mga tao upang mapawi ang
kamangmangan ng masa at kasakiman ng iilang mayayaman, sa pamamagitan ng
gradwal na pagpapasok sa Pilipinas ng mga simulain ng sosyalismo.
Si Don Ramon ay may dalawang anak na
dalaga at isang anak na lalaking may asawa na. Ang mga dalaga’y sina Talia at
Meni. Si Talia ay naibigan ng isang abogado, si Madlanglayon. Ang kasal nila’y
napakarangal at napakagastos, isang bagay na para kina Felipe at Delfin ay
halimbawa ng kabukulan ng sistema ng lipunan na pinangyayarihan ng mayayamang
walang kapararakan kung lumustay ng salapi samantalang libu-libong mamamayan
ang salat na salat sa pagkain at sa iba pang pangunahing pangangailangan sa
buhay.
Sa tulong ni Felipe noong ito’y
nakatira sa bahay ni Don Ramon, nakilala at naibigan ni Delfin si Meni. Si Don
Ramon ay tutol sa pangingibig ni Delfin sa kanyang anak; dahil ito’y maralita,
at ikalawa, dahil tahasang ipinahayag nito ang kanyang pagkasosyalista sa isang
pag-uusap nilang dalawa sa isang paliguan sa Antipolo. Ang pagtutol na ito ay
walang nagawa. Nakapangyari ang pag-ibig hanggang sa magbinhi ang kanilang
pagmamahalan.
Nang mahalata na ni Talia at ni
Madlanglayon ang kalagayan ni Meni, hindi nila ito naipaglihim kay Don Ramon.
Nagalit si Don Ramon; sinaktan nito si Meni at halos patayin. Sa amuki ni
Madlanglayon, pumayag si Don Ramon na ipakasal si Meni kay Delfin, Subalit
nagpagawa ng isang testamento na nag-iiwan ng lahat ng kayamanan sa dalawa
niyang anak; si Meni ay hindi pinagmanahan.
Si Meni ay nagtiis sa buhay-maralita sa
bahay na pawid na tahanan ni Delfin. Paminsan-minsan, kung mahigpit ang
pangangailangan, nagbibili siya ng mga damit o nagsasangla ng kanyang mga
alahas noong dalaga pa. Ito’y labis na dinaramdam at ikinahiya ni Delfin at ng
kanyang ate, subalit wala naman silang maitakip sa pangangailangan.
Sa simula, si Meni ay dinadalaw ng
dalawang kapatid, lalo na si Talia, at pinadadalhan ng pera at damit. Subalit
ang pagdalaw ay dumalang nang dumalang hanggang tuluyang mahinto, ay gayon din
ang ipinadadalang tulong. Samantala, si Don Ramon, sa laki ng kanyang kahihiyan
sa lipunan dahil sa kalapastangang ginawa ni Meni at ni Delfin, ay tumulak
patungong Hapon, Estados Unidos at Europa, kasama ang isang paboritong utusan.
Wala na siyang balak bumalik sa Pilipinas. Nakalimutan niya ang pagwasak na
nagawa niya sa karangalan ng maraming babae na kanyang kinasama; ang tanging
nagtanim sa kanyang isip ay ang pagkalugso ng sariling karangalan sa mata ng
lipunan dahil sa kagagawan ni Meni.
Samantala, nagluwal ng isang sanggol na
lalaki si Meni. Sa pagnanais na makapaghanda ng isang salu-salo sa binyag ng
kanyang anak, susog sa mga kaugalian, si Meni ay nagsangla ng kanyang hikaw, sa
kabila ng pagtutol ni Delfin na tutol sa lahat ng karangyaan. Ang ninong sa
binyag ay si Felipe na hindi lamang makatanggi sa kaibigan, subalit kontra rin
sa seremonyas ng pagbibinyag. Bilang anarkista ay laban siya sa lahat ng
pormalismo ng lipunan. Sa karamihan ng mga pangunahing dumalo, kumbidado’t
hindi, ay kamuntik nang kulangin ang handa nila Delfin, salamat na lamang at
ang kusinero ay marunong ng mga taktikang nakasasagip sa gayong pangyayari.
Ang kasiyahan ng binyagan ay biglang
naputol sa pagdating ng isang kablegrama na nagbabalitang si Don Ramon ay
napatay ng kanyang kasamang utusan sa isang hotel sa New York. Nang idating sa
daungan ang bangkay, sumalubong ang lahat ng manggagawa sa pagawaan ng tabako
sa atas ni Don Felimon, kasosyo ni Don Ramon, na nagbabalang hindi pasasahurin
sa susunod na Sabado ang lahat ng hindi sasalubong.
Kasama sa naghatid ng bangkay sa
Pilipinas si Ruperto, ang kapatid ni Tentay na malaon nang nawawala. Pagkatapos
makapaglibot sa Pilipinas, kasama ng isang Kastilang kinansalaan niya sa maliit
na halaga, siya’y ipinagbili o ipinahingi sa isang kaibigang naglilingkod sa isang
tripulante. Dahil dito, nakapagpalibot siya sa iba’t ibang bansa sa Aprika at
Europa, at pagkatapos ay nanirahan sa Cuba at California, at sa wakas ay
namalagi sa New York. Doon siya nakilala at naging kaibigan ng utusang kasama
ni Don Ramon na naninirahan sa isang hotel na malapit sa bar na kanyang
pinaglilingkuran. Si Ruperto ang nagsabi kay Felipe na kaya pinatay si Don
Ramon ay dahil sa kalupitan nito sa kanyang kasamang utusan.
Ang libing ni Don Ramon ay naging
marangya, kagaya ng kasal ni Talia. Hanggang sa libingan ay dala-dala pa ng
mayamang pamilya ni Don Ramon ang ugali ng karangyaan ng pananalat at
paghihirap ng maraming mamamayan. Sa libingan ay Naiwan sina Delfin at Felipe
na inabot ng talipsilim sa pagpapalitan ng kuro-kuro at paniniwala.
Naalaala ni Felipe ang kaawa-awang
kalagayan ng mga kasama’t utusan ng kanyang ama. Nasambit ni Delfin ang
kawalang pag-asa para sa maralitang mga mamamayan habang namamalagi sa batas
ang karapatan ng mga magulang na magpamana ng yaman at kapangyarihan sa mga
anak. Nagunita nila ang laganap na kamangmangan at mga pamahiin, ang bulag na
pananampalataya. Kakailanganin ang mahaba at walang hanggang paghihimagsik
laban sa mga kasamang umiiral. Marami pang bayani ang hinihingi ang panahon.
Kailangang lumaganap ang mga kaisipang sosyalista, hindi lamang sa iisang bansa
kundi sa buong daigdig bago matamo ang tunay at lubos na tagumpay. Napag-usapan
nina Felipe at Delfin ang kasaysayan ng anarkismo at sosyalismo – ang
paglaganap nito sa Europa, sa Aprika, at sa Estados Unidos. Sinabi ni Felipe na
ang ilang buhay na napuputi sa pagpapalago ng mga ideyang makamaralita ay
kakaunti kung ipaparis sa napakamaraming tao na araw araw ay pinahihirapan.
Subalit matigas ang paninindigan ni Delfin laban sa ano mang paraang magiging
daan ng pagdanak ng dugo.
Sa kabila ng pagkakaibang ito ng
kanilang paninindigan ay nagkaisa sila sa pagsasabi, sa kanilang pag-alis sa
libingan, noong gumagabi na, “Tayo na: iwan nati’t palipasin ang diin ng
gabi."
Pinagkunan : http://pinoyfolktales.blogspot.com
Pinagkunan : http://pinoyfolktales.blogspot.com
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento