Wala unang pagsisisi,
ito'y laging nasa huli.
Daloy aking luha…Daloy
aking luha, sa gabing malalim.
Sa iyong pag-agos,
ianod mo lamang ang aking damdamin, hugasan ang puso—yaring abang pusong luray
sa hilahil, nang gumaan-gumaan ang pinapasan ko na libong tiisin!
Nang ako'y musmos pa
at bagong namukad yaring kaisipan, may biling gayari si Ama't si Ina bago
sumahukay. "Bunso, kaiingat sa iyong paglakad sa landas ng buhay ang
ikaw'y mabuyo sa gawang masama'y dapat mong iwasan."
Nang ako'y lumaki, ang
pahat kong isip ay biglang nagpakpak, ng kapalalua't ang aral ni Ama't ni Ina'y
hinamak; sa maalong dagat ng buhay sa mundo'y nag-isang lumayag, iniwan sa
pampang ang timbulang baon na aking tinanggap!
Malayang tumungga sa
sarong may lason ng kaligayahan na itong huli na'y nakilalang alak na
nakamamatay. Ang pinagbataya'y dapat magpasasa sa kasalukuya't isang
"Bahala na!" ang tanging iniukol sa Kinabukasan!
Kaya naman ngayon, sa
katandaan ko ay walang nalabi kundi ang lasapin ang dita ng isang huling
pagsisisi; tumangis sa labi ng sariling hukay ng pagkadugahi't iluha ang aking
palad na nasapit na napakaapi!
Daloy, aking
luha…Dumaloy ka sa ngayon at iyong hugasan ang pusong nabagbag sa pakikibaka sa
dagat ng buhay; ianod ang dusang dulot ng tinamong mga kabiguan. Nang yaring
hirap ko't susun-susong sakit ay gumaan-gaan!
Pinagkunan : http://markjan-markjan.blogspot.com
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento