1. Sinasabing walang
lampin sa purok ng Tibag na hindi nilabhan sa tubig na sinasalok sa malalim,
malaki't matandang balon. 2. Sinasabing walang nagluto ng pagkain at naghugas
ng kinanan sa Tibag na hindi gumamit ng tubig sa balong iyon. 3. Sinasabing
walang naligo sa Tibag na hindi nagbuhos ng malinis at malamig na tubig na
siyang biyaya ng matatandang balong tisa. 4. Anupa't masasabing walang
isinilang at inilibing na taga-Tibag na hindi uminom o binindisyunan ng tubig
na galing sa kanilang balon. 5. Kung iisipin, masasabi rin na ang buhay at
kamatayan ng mga taga-Tibag ay nasa balong iyon. 6. Mahalaga nga ang gayon,
ngunit ang bagay na ito'y hindi nila pinag-uukulang masyado ng pansin. Sa
kanila, ang balon ay bahagi ng kanilang buhay at kapaligiran, bahagi na ng
kanilang mga kinagisnang alamat at mga paniniwala't pamahiing imumulat nila sa
kanilang mga anak, at imumulat naman na mga ito sa susunod nilang salinlahi. 7.
Walang nakatitiyak kung kailan hinukay ang balong iyon. 8. "Noon pang
panahon ng Kastila," anang matatanda. 9. "Hindi pa kayo tao, nandiyan
na 'yan," giit naman ng iba. 10. At parang pagpapatunay, patitingnan ang
mga tisang ginamit sa balon. Kauri raw at sintigas ng mga ginamit sa pader ng
Intramuros o kaya'y sa mga pinakamatatandang simbahang katoliko sa Pilipinas.
11. Ipaglalaban naman ng iba na ang balon ay hinukay, o sa lalong wastong
salita ay ipinahukay ng mga maykapangyarihan noong panahon ng mga
Amerikano.Katunayan daw, maraming bayan sa Pilipinas, lalo na sa Luzon, ang may
mga balong katulad ng nasa Tibag. Kaya naman daw matatagpuan ang mga ganitong
balon sa labas ng mga matatandang bayan ay upang madaling masugpo ang kolerang
ilang beses nang kumalat sa buong kapuluan at umutas ng libu-libong pagkukunan
ng tubig ay nasa labas ng bayan, porlomenos, madali ang pagsugpo sa kakalat na
makamandag na kolera. 12. May kalabuan man, kung sa bagay, ang ganoong
pala-palagay, wala namang magagawa ang mausisa. Basta't iyon daw ang paniwalaan,
tapos ang kuwento! 13. Ganoon din ang ibubulyaw ng mga matatandang pikon kung
kokontrahin mo sila sa kanilang pananakot. Kung gabi raw na madilim, lalo na
kung patay ang buwan, may malignong lumilitaw sa may balon. 14. Magtago ka raw
at sumilip sa likod ng mga punong kakawate, kung minamalas ka, makikita mo na
lamang at sukat ang isang pagkaganda-gandang babae sa may balon. May inaaninaw
daw itong mukha ng kung sinong katipang nalunod o maaaring nilunod sa balon
noong panahon pa ng mga Kastila. Minsan naman daw, mga kung anu-anong hayop ang
nagsisilabasan sa may balon at nag-uungulan. 15. At ano bang mali-maligno!
Naisipan daw ng ilang kabinataan ang magpahatinggabi sa likod ng mga punong
kakawate. At ano ang natuklasan nila? Ang nananakot ang siyang natakot. At nang
magkabistuhan na, humangos daw itong may kinakapkap na kung ano at hinabol ng
mga nakatuklas. Hindi matapus-tapos ang sisihan nang makasal nang di oras ang
dalawang "maligno" na walang iba kung di ang tanging biyudo't pinakamatandang
dalaga sa Tibag. 16. Isa na iyon sa masasayang pangyayari sa balon ng Tibag. Sa
may balon naglalaba't naliligo ang mga dalaga't kababaihan. Kung naroon na ang
mga dalaga, panay naman daw ang hugas ng paa ng mga binata. Naroon na ang
nakawan ng tingin, mga patalinghagang salitang sinusuklian ng saboy ng tubig o
mga hindi natutuloy na pagbabantang magsumbong. Ang ingay ng mga batang
nagsisipaligo, ng mga balding pumapalo sa gilid ng balon, mga pigil na hagikgik
ng mga babae, harutan ng mga dalaga. 17. Marami ang makapagsasabi sa Tibag, ang
buhay-buhay, tulad ng matandang balon, ay siya na nilang kinagisnan,
kinamulatan pa rin ng kanilang mga anak at mamanahin pa rin ng mga anak naman
nito. 18. Isa na sa mga makapagsasabi si Tandang Owenyong Aguwador. Siya lamang
ang aguwador sa Tibag. Ang ibang sumasalok, may pingga at balde, ay para gamit
lamang sa bahay. Gamit din sa bahay ang sinasalok ng mga dalagang nagsusunong
ng banga ng inumin, balde o golgoreta. 19. Hanapbuhay ni Tandang Owenyong
Aguwador ang pag-iigib ng tubig. Iniigiban niya ang ilang malalaking bahay sa
Tibag at pinupuno din niya ang mga tapayan o dram ng mga talagang nagpapaigib
sa mula't mula pa. Ito ang mga pamilyang kung nagpipista ay siyang
pinakamaraming handa't bisita, mga nagiging hermano o punong-abala sa mga
komite de festejos. Ito rin ang ipinag-iigib ng ninuno ni Tandang Owenyo. 20.
Maglilimampung taong gulang na si Tandang Owenyo. Maiksi ang gupit ng kanyang
kulay abong buhok. Pangkaraniwan ang taas, siya'y laging nakakamisetang mahaba
ang manggas at kapit sa katawan. Matipuno at siksik daw ang katawan nito noong
araw. 21. "Ba't naman di magkakaganoon e sa banat ang kanyang buto sa
pagsalok n'on pa man," sabi ng iba. 22. "Di ba't 'yan 'kamo,"
dagdag ng ilan, "aguwador din?" 23. "Di ba't ang Ba Meroy ay
aguwador din?" 24. "Aba, siyanga, ano?" 25. Ang pangalan ng ama
ni Tandang Owenyo ay Ba Meroy. Namatay ito noong panahon ng Hapon. 26.
"Pero 'ala pang giyera," pilit ng iba, "umiigib na ang Tandang
Owenyo." 27. Minana na niya ang opisyong iyan." 28. "E, si Nana
Pisyang Hilot? Di ba't sa balon sila…" 29. "A, oo! Doon niligawan ng
Tandang Owenyo si Nana Pisyang. Ipagtanong mo." 30. "Labandera na
noon si Nana Pisyang?" 31. "Labandera na. Ang ipinag-iigib ng Tandang
Owenyo ang siyang ipinaglalaba naman ng Nana Pisyang. Kaya nga maganda ang
kanilang istorya, e." 32. "Ang Da Felisang Hilot?" 33.
"Aba, e labandera rin 'yon. Tinuruan naman niyang manghilot ang kanyang
anak. '"Yan nga si Nana Pisyang." 34. "Tingnan mo nga naman ang
buhay." 35. "Sa Amerika ba, merong ganyan?" 36. "Pilipinas
naman 'to, e! Siyempre dito sa 'tin, pasalin-salin ang hanapbuhay." 37.
"Mana-mana ang lahat." 38. "Si Ba Meroy aguwador, puwes, si
Tandang Owenyong anak ay aguwador din." 39. "At si Nana Pisyang ng Da
Felisa, labandera." 40. "Pero si Nana Pisyang humihilot din."
41. "Ow, ano ba naman 'yon? Di naman araw-araw e me nanganganak. Saka,
bigyan mo na lang ng pangkape ang Nana Pisyang, tama na." 42. "Me
pamamanahan na sila ng kanilang mga ikinabubuhay." 43. "Di nga ba't
katu-katulong na ng Nana Pisyang sa paglalaba't paghahatid ng damit ang
dalagita niyang si Enyang? Meron na siyang magsisiksgreyd." 44. "At
si Narsing nila?" 45. A, si Narciso ba? Sayang. Tapos ng hayskul, hindi na
nakapagpatuloy." 46. "Ow tama na 'yon. Tapos ka't hindi, pareho
rin." 47. "Si Narsing ang me ulo. Laging me dalang libro e!" 48.
"Sa library nga raw sa kabayanan nagbabasa't humihiram ng libro." 49.
"Minsa'y nakita kong may kipkip na libro. Tinanong ko kung ano." 50.
"E. ano raw?" 51. "Florante at Laura daw." 52.
"Tingnan mo nga 'yan. Sayang na bata. May ulo pa naman." 53.
"Balita ko'y ayaw mag-aguwador." 54. "Nahihiya siguro. Biruin mo
nga namang nakatuntong na halos sa kolehiyo at sa paaaguwador mapupunta. Ba't
nga naman iyong iba. Karabaw inglis alam e mga tente bonete na." 55.
"Kayo, pala, oo! Para naman kayong bago nang bago sa Pilipinas. Pa'no me
malalakas na kapit 'yon!" 56. "Di aguwador din ang bagsak ni
Narsing!" 57. NAGHIHIMAGSIK si Narsing. Ayaw niyang pumasan ng pingga.
Totoo nga na umiigib siya. Ngunit iyon ay para gamit lamang nila sa bahay. At
gusto pa niyang bitbitin ang dalawang balde kaysa gumamit ng pingga. 58. Sabi
ng mga matatandang babaing naglalaba sa may balon, kung magpingga lamang si
Narsing mapagkakamalan daw itong si Tandang Owenyo noong bagong tao pa ito.
Iyon din ang palagay ng mga nagkakahig ng sasabungin,ng mga naghuhuntahan sa
harap ng tindahang sari-sari sa tapat ng lumang kapilya. 59. Kung naririnig ni
Narsing ang gayong sabi-sabi lalo lamang sumisidhi ang kanyang paghihimagsik.
At ito'y may kasamang malalim na hinanakit. 60. Nagsasampay ang kanyang ina
nang siya'y magpaalam isang umaga. Ang apat na alambreng sampayan ay
lundung-lundo sa bigat ng malalaking sinampay. Hindi na nakita ni Narsing na
ang sampayan ay nawalan ng laman, na ang damuhan sa may gilid ng bakod na siit
ay walang latag na kinula. Sa kabilang gilid ng bakuran hanggang sa duluhang
papunta sa bukid ay gumagapang ang kamoteng putpot, na ang talbos ay naagad.
May kapirasong balag na ginagapangan naman ng upo. 61. Binigyan si Narsing ng
kanyang inang Nana Pisyang ng konting babaunin. Ito'y naipon sa paglalaba't sa
pinagbilhan ng ilang upo at talagang inilalaan para sa susunod na pasukan ng
mga bata. 62. Nakituloy si Narsing sa isang tiyuhin sa Tondo, sa Velasquez. Sa
area, naglalakad siya't naghahanap ng mapapasukan… Kahit na ano, huwag lamang
pag-aaguwador. Nakaranas siya ng gutom, ngunit nagtiis siya. Kung anu-anong
kumpanya't pagawaan ang kanyang sinubukan. Pulos naman NO VACANCY at WALANG
BAKANTE, ang nakasabit sa mga tarangkahan at pintuan ng mga pinupuntahan niya.
63. Hindi lamang pala siya ang nabibigo. May nakakasabay pa siyang madalas na
mga tapos ng edukasyon at komers. Ang mga ito'y me dala pang sulat na galing sa
ganoo't ganitong senador o kongresman. Natatawang ibig maluha ni Narsing.
Binabale-wala na pala ng mga ito kahit na pirma ng mga pulitiko. Maski siguro
si Haring Pilato ang nakapirma, talagang walang maibibigay na trabaho ang
balanang puntahan ni Narsing. 64. Napadaan si Narsing sa isang malaking gulayan
ng Intsik. Subukin na nga ''to, sabi niya sa sarili habang pumapasok siya sa
isang ektarya yatang gulayan na binakuran ng mga alambreng matinik. Kinausap
niya ang Intsik na nakita niyang nagpapasan ng dalawang lalagyan ng tubig na
tabla. Taga-alis ng uod, magpala o magpiko sabi ni Narsing sa Intsik. 65.
"Hene puwede," sagot ng Intsik, "hang lan akyen tlamaho.
Nahat-nahat 'yan akyen lang tanim, dilig." 66. "O, paano, talagang
wala?" sabi ni Narsing at napansin niyang tumigas ang kanyang boses. Para
siyang galit. 67. "Ikaw gusto pala ngayon lang alaw, ha," sagot ng
Intsik. Nangingiti-ngiti. "Akyen gusto lang tulong sa 'yo. 68. "O
sige, ano?" 69. "Ikaw, kuha tubig, salok sa balon, dilig konti. Ikaw
na gusto?" 70. Ibinigay ng Intsik ang kanyang pinipinggang pinakaregadera.
71. Kinabukasan ng hapon nagpaalam si Narsing sa kanyang tiyahing nasa
Velasquez. Sumakay na siya ng trak pauwi sa kanilang bayan sa lalawigan, sa
Tibag.Pangkaraniwan na sa Tibag ang nabibigo sa paghahanap ng trabahong bago at
hindi minana. Habang daan ay inisip-isip niya kung paano niya maiiwasan ang
kanyang mamanahing hanapbuhay na halos pantawid-gutom lamang, ang isang
kalagayang pagtitiis mula sa umpisa hanggang sa katapusan, walang kamuwangan,
hirap, at laging nakasalag, kung hindi sa kabutihang loob ng ilan, sa
pagsasamantala naman ng marami. 72. Mabuti pa, sabi ni Narsing sa sarili, hindi
na 'ko nakapag-aral. Parang nabuksan ang kanyang isip at guniguni sa sanlibu't
sanlaksang kababalaghan ng kalikasan at sa maraming paghahamon ng buhay na di
niya maubos-maisip kung paano mapananagumpayan. 73. Magtatakip-silim na nang
dumating siya sa Tibag. Dinumog siya ng mga paslit na nagtatanong kung mayroon
siyang dalang pasalubong. Wala, wala siyang dala. 74. Ang sumunod sa kanyang si
Enyang ay tahimik na nag-ahin ng hapunan sa lumang dulang. Habang sila'y
kumakain, naramdaman ni Narsing na naghihintay ang kanyang ama't ina ng kanya
pang isasalaysay tungkol sa kanyang paghahanap ng trabaho sa Maynila. Ano naman
ang maibabalita niyang hindi pa nila nalalaman tungkol sa kahirapan ng
paghahanap ng trabaho? 75. Inalok siya nang inalok at pinakakaing mabuti ng
kanyang ina. Animo'y nagkandagutom siya sa Maynila. Pasulyap-sulyap siya sa
kanyang amang nasa kabisera ng dulang. Nagpupuyos ang kanyang kalooban sa
kanyang nasasaksihan. Nag-aagawan ang mga paslit sa ulam. Tipid na tipid ang
subo ng kanyang ama't ina. Marami pa silang inom ng tubig kaysa sa subo ng
kanin. Ang ulam nila'y kamatis at bagoong na may talbos na naman ng kamote,
isang mangkok na burong mustasa at ilang piniritong bangus. Maya't maya ay
sinasaway ng kanyang ina ang mga batang parang aso't pusa sa pag-uunahan sa
pagkain. Sa buong Tibag, sila lamang marahil ang hindi halos nagkaroon ng mumo
sa dulang. Noong araw, hindi sila ganoon. Ngayon, kung magsabaw sila sa
sinigang o minsan sang buwan nilagang karne, halos sambalde ang ibubuhos na
tubig para dumami ang sabaw. Habang lumalaki't dumarami ang subo ng mga bata,
dadalang naman nang dadalang at liliit ang subo ng kanyang ama't ina. Siya man
ay napapagaya na sa kanila. 76. Ang ganoong tagpo ay kanyang pinaghihimagsikan.
Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsik kung nasasaksihan niya ang kanyang
mga kapatid na palihim na waring nagsusukat ng mga damit na mahuhusay na
ipinaglalaba't ipinamamalantsa ng kanilang ina. Katulad din iyon ng kanyang
paghihimagsk na matapos na sa pagiigib ng kanyang ama at napapansin niyang
dumarami ang kulubot sa ulo kung nakikita itong pasan-pasan ang pingga't
dalawang balde na animo'y isang Kristo sa pagkakayuko na ang paghihirap ay wala
nang katapusan. 77. Noong gabing iyon. nagkasagutan sila ng kanyang ama.
Nakaupo si Narsing sa unang baytang sa itaas ng kanilang mababang hagdan.
Nakatingin siya sa duluhan ng bakuran. Iniisip niyang harapin pansamantala ang pagtatanim
ng gulay. Nalingunan na lamang niyang nakatayo ang kanyang ama sa may likuran
niya. 78. "Gayon din lamang," mungkahi ng kanyang ama sa malumanay na
boses, at ibig mong maghanapbuhay, subukin mong umigib." 79. May
idurugtong pa sana ang kanyang ama, ngunit hindi na nakapigil si Narsing.
Malakas at pasinghal ang kanyang sagot. 80. "Ano ba naman kayo! Aguwador
na kayo, gusto n'yo pati ako maging aguwador!" 81. Napatigagal ang kanyang
ama. Ang kanyang ina'y napatakbo at tanong nang tanong kung bakit at ano ang
nangyari. 82. Minumura siya ng kanyang ama. "Bakit?" wika nitong
pinaghaharian ng pagdaramdam at kumakatal ang tinig. "Ano ang masama sa
pag-aaguwador? Diyan ko kayo binuhay!" 83. Nakatayo na sana si Narsing,
ngunit sinundan siya ng kanyang ama't buong lakas na hinaltak at inundayan ng
sampal. Parang natuklap ang mukha ni Narsing, Itinaas niya ang isa niyang kamay
upang sanggahin ang isa pang sampal. Nakita niyang nagliliyab ang mga mata ng
kanyang ama. 84. Sumigaw ang kanyang ina. may kasama itong iyak. Yakap siyang
mahigpit ng kanyang ina. Huwag daw siyang lumapastangan. Pati ang mga bata'y
umiiyak at humahagulgol na parang maliit na hayop. 85. Lumayo ang kanyang ama't
iniunat ang katawan sa isang tabi ng dingding na pawid. Dinig na dinig pa rin
ang kanyang sinasabi. 86. Nag-aral ka pa naman, sayang. Oy, kung me gusto kang
gawin, sige. Di kita pinipigil. Darating din ang araw na mararanasan mo rin…
mararanasan mo rin." 87. Kung anu-anong balita ang kumalat sa Tibag. Kung
umiigib si Narsing ng tubig para sa kanilang bahay hindi siya pinapansn ni
binabati tulad ng dati. Ganoon din ang kanyang ama. Waring nahihiyang
magtanung-tanong ang mga tao, ngunit hindi nahihiyang sa kani-kanilang sarili'y
magpalitan sila ng tsismis at mali-maling palagay. 88. ISANG linggo pagkatapos
ng pagkakasagutan nilang mag-ama, ang Tandang Owenyong ay nadisgrasya sa balon.
Nadupilas ito at mabuti na lamang daw at sa labas ng balon nahulog. Kung hindi
raw, patay. Ang dibdib ng matanda ay pumalo sa mga nakatayong balde at ito'y
napilayan. Nabalingat naman ang isang siko niya. Sabi ng marami ay nahilo ang
matanda. Ang iba'y nawala sa isip niya ang ginagawa. 89. Nilagnat pa si Tandang
Owenyo. Ipinatawag na ang pinakamahusay na manghihilot na tagaibayo. Nakikiigib
ang mga iniigiban ni Tandang Owenyo sa iba. Kailan daw ba iigib uli ang
matanda. Walang malay gawin ang ina ni Narsing. Ang kanilang dati nang malaking
utang sa tindahan ni Da Utay ay lalong lumaki sa pagkakasakit ng matandang
aguwador. 90. Isang hapong umiigib si Narsing ng gamit sa bahay ay may
naglakas-loob na nagtanong kung magaling na ang kanyang ama. Bakit daw hindi pa
siya ang sumalok. Sayang daw kung ang kinikita ng ama niya'y sa iba mapupunta.
91. Hindi nanlilibak o sumasaring ang pagkakasabi noon. Iyon, sa palagay na ni
Narsing, ay patotoo sa paniwalang siya ang talagang magmamana sa gawaing iyon
ng kanyang ama. 92. KINABUKASAN, hindi nangyari ang inaasahang mangyari ni
Narsing. Hindi siya tinukso ni pinagtawanan at kinantiyawan. Nalapnos ang
kanyang balikat at magdamag na nanakit ang kanyang mga buto sa
pag-aakyat-panaog sa mga hagdang matatarik, sa pagsalin at pagbuhat ng tubig.
Siya na ang umiigib. 93. Pabiling-biling si Narsing sa kanyang hinihigang
sahig. Nakikita niya ang malalayong bituin. Narinig niya ang mga mumunting
hayop at ang alit-it ng mga kawayang itulak-hilahin ng hangin. Sa malayo'y may
asong kumakahol na parang nakakita ng aswang o ano. Hindi siya nakatulog.
Marami siyang iniisip. Naalaala niya noong siya'y nasa hayskul. Bago siya
maidlip, sa guniguni niya ay nakita niyaang kanyang sariling kamukha ng kanyang
amang animo'y isang Kristong pasanpasan ang pingga't dalawang balding
mabibigat. Naisipan din niyang taniman nang taniman ang bakuran nilang ngayo'y
hindi na kanila't inuupahan na lamang. 94. Maaga pa'y bumaba na ng bahay si
Narsing. At siya'y muling umigib. Mahapdi ang kanyang balikat. Humihingal
siya't parang hindi na niya kayang ituwid ang kanyang mga tuhod. 95. Noong
hapon, naghihintay si Narsing ng kanyang turno sa balon. Nagbibiruan ang mga
dalaga't kabinataan sa paligid ng balon. May tumatawang nagsasabing binyagan
ang kanilang bagong aguwador. 96. "Binyagan si Narsing!" sigaw ng mga
nasa paligid ng balon, at may nangahas na magsaboy ng tubig.
Pinagkunan : http://tl.answers.com/Q/Ikalawang_Gantimpala-Kinagisnang_Balon_ni_Andres_Cristobal_Cruz
Pinagkunan : http://tl.answers.com/Q/Ikalawang_Gantimpala-Kinagisnang_Balon_ni_Andres_Cristobal_Cruz
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento